Q:
Ano na po ang estado sa Senado ng Freedom of Information Bill? Ng Anti-Dynasty
bill? 2016 National Budget? Ngayon po ang inyong mina-marathon ay yung
Bangsamoro Basic Law, ano po ba ang timeline niyo dito?
SPFMD:
Isa-isahin natin. Yung BBL, patuloy ang aming debate. Ang ang aming objective
ay baka bago matapos ang buwan o bago matapos ang September ay matatapos po ang
aming debate ukol diyan. Yun pong national budget ngayon po ay dinidinig ng
Committee on Finance. Kahapon po ng DPWH na naghahalagang P364.5 billion, yan
po ay kahapon dininig ng Committee on Finance.
Yung FOI, matagal na
sa Senado naipasa iyan, iyan po ay nasa Kamara De Representante na. Yung budget
nasa komite, yung BBL po ay patuloy ang aming mga debate at mamayang hapon po
ay si Senator Bongbong ay muling tatayo at mag-iinterpellate naman si Senator
Koko Pimentel. Yung anti-dynasty bill ay nasa komite pa ni Senator Koko
Pimentel. Yaan po ang status.
Q: Kaya po ba ihabol
lahat iyan bago kayo mag-Christmas break?
SPFMD:
Maihahabol po natin ang BBL, at yung budget ay matatapos po natin, yung hindi
ako sigurado sa anti-dynasty bill.
Q: So ang timeline
para sa BBL, by November ay tapos na po ba iyan?
SPFMD: By
October sisikapin po naming matapos.
Q: Kahapon din po ay
dininig ang budget ng hudikatura at ng DPWH diyan sa Senado.
Kumusta po ang
budget nila?
SPFMD:
Unang una yung sa budget ng judiciary – atin pong bigyan ng suporta ang
judiciary. Yaan po ay kailangan natin para manatili ang pagpapatupad ng ating mga
batas. Alam mo, malaking bagay na magkaroon ng tiwala ang taumbayan sa ating
judiciary dahil diyan nakasalalay ang tiwala sa ating demokrasya.
Kaya atin pong
sinusuporta – mahigit po sa P26.7 billion ang budget ng judiciary. Yan po ay
mahigit po sa 20 porsyento ang pagtaas sa kasalukuyang budget. Doon nga po sa
pagdinig ay hinimok ko po ang judiciary at Supreme Court na kung pwede ay
bilisan nang konti ang paglilitis sa mga kaso, lalo na roon sa mga nakakaapekto
sa ating ekonomiya. Halimbawa, yung mga writ of kalikasan, yung kaso involving
government projects na naaantala dahil nasampahan ng writ of kalikasan, kaya
ating hinihingi na tama iyan, dinggin natin, pero kung pwede lang ay mabilis,
para hindi po maantala ang mga proyekto.
Doon naman po sa budget
ng DPWH, alam mo talagang malaking bagay ang DPWH sa ating ekonomiya dahil 20
percent ng ating GDP o paglawak ng ating ekonomiya ay nakasalalay sa paggastos
ng pamahalaan. Ngayon, aming nadiskubre na aminado na ang ating magaling na
Secretary, si Secretary Babes Singson, na bumabagal ang kanilang utilization ng
budget dahil sa mga technicalities o doon sa mga hindi pagka-unawaan doon sa
desisyon ng Korte Suprema sa use of savings.
Kung ang pagbidding
ay mas mababa doon sa budget, sabihin natin na P100 milyon ang proyekto, ang
bid ay P90 million lamang, yung P10 million savings iyan, ang ibig bang sabihin
ay hindi pwedeng gamitin ito hanggang end of the year? Yan po kasi ang
interpretasyon ng Supreme Court, kaya po dahil doon bumabagal ang pagbuhos ng pera
doon po sa mga proyekto. Kaya atin pong tingnan muli ang definition ng savings
doon sa budget upang mapabilis ang pag-release ng pera at pagbubuo ng mga
project.
Q: Nandiyan
din yung sa right-of-way, na minsan dadaan sa husgado so nagkakaroon pa ng
delay.
SPFMD:
Tama po iyan, although ang batas ngayon ay ganito: Kapag kailangan natin
ng isang lupain dahilan sa dadaan ng kalsada, kung ang halaga sa zoning
evaluation ay P100 libo, pagdeposito ng P100 libo sa husgado ay dapat wala nang
sagabal, at deresto nang papasukin ang dapat pasukin sa mga pribadong lupain.
Ngunit hindi po
ganoon ang nangyayari. Ganoon ang batas pero sa katunayan ay mabagal pa rin,
dahil kung minsan, labag na sa batas, lagpas na sa batas ang ginagawa ng ating
mga kababayan.
Q: Sa tingin po
ninyo ang scenario sa 2016 ngayong nagdeklara na si Mayor Duterte na hindi siya
interesado sa pagka presidente – naniniwala po ba kayo?
SPFMD:
Alam mo ang daming kong naririnig. Ang dahilan diyan, ang sinabi ng ating
kaibigan na si Mayor Duterte ay hindi na siya tatakbo, pero yung kanyang mga
supporters ay patuloy pa rin ang pag-organize. So hindi natin malaman ang
totoo. Well alam mo, hintayin na lang natin siguro ang kalalabasan nito. Ang
maliwanag, ang administrasyon, ang kandidato ay si Mar Roxas, at yung kanyang
mga katunggali ay doon sa opposition.
Q: Kung hindi
tatakbo si Mayor Duterte ay hindi na masikip ang scenario sa pagka-presidente
sa 2016?
SPFMD: Ay
ganoon pa rin yan, hindi pa natin alam ang kalalabasan nito. Mahaba pa ang
kampanya, alam mo sa politika sabi nila, “one week is too long.” Mahaba na ang
isang linggo para sa pagbabago ng scenario sa politika.
Q: Hindi pa rin daw
sumusuko si Pangulong Aquino kay Senadora Grace Poe bilang bise-presidente ni
Secretary Mar. Paano na po ang inyong proposal?
SFPMD:
Nag-uumpisa na po kaming maghanap para sa ganoon ay handa na.
Q: Totoo po bang
leading itong si Congresswoman Leni Robredo sa inyong pinagpipilian?
SPFMD:
Hindi pa naman po kami nagbobotohan. May pinag-uusapan. Kasama po itong si
Congresswoman Robredo, may ilan sa mga kasama namin na siya ang tinutulak,
mayroon din kay Senator Alan Peter Cayetano, mayroon ding tumutulak kay
Governor Vilma Santos, kay Senator Sonny Trillanes, pina-guusapan pa.
Q: Nag-uusap po ba
kayo ni Senator Cayetano ngayong araw-araw kayo nagkikita diyan sa Senado?
SPFMD:
Nag-uusap kami, nagkakamustahan lang, “Kamusta ang kampanya?”
Q: Ano po ang sagot
ni Senator Cayetano diyan sa pagbibise presidente ni Secretary Mar?
SPFMD:
Sabi niya, “Kami sa Nacionalista, free zone pa sa ngayon at puro kami
kandidato.” ###
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento