Huwebes, Agosto 13, 2015

Transcript of DZRH Interview with Senate President Franklin M. Drilon

Q:  Kahapon daw po ay nagsimula na diyan pagdebatehan sa Senado ang 2016 national budget.

SPFMD: Kahapon po ay sinimulan na po namin ang pagdinig sa 2016 budget, P3 trillion po ito, 15 porsyento ang pag-taas mula sa kasalukuyang budget. Ang isa po sa magandang features ng budget na ito ay meron po para sa mga kawani ng pamahalaan, mga mahigit sa P67 billion para sa merit increases and across-the-board salary adjustment sa susunod na Enero 1. 

Kapag naipadala na po sa amin ng Malakanyang yung Salary Standardization Law IV na draft, o yung “SSL IV”, pag-pasa po ng budget, ay magkakaroon po ng salary adjustment ng mga mahigit sa P50 billion sa kabuuan, at mayroon pa pong mahigit sa P17 billion na para sa merit increases, kaya sa kabuuan po ay P67 billion ang nakalaan sa budget para sa sahod ng ating mga manggagawa sa pamahalaan.

Ang ating Department of Education ay ang may pinakamalaking budget, mahigit po sa P435.9 billion ang nakalaan para sa ating DepEd. Ito po ay para sa ating mga silid-aralan, mga libro, mga bagong guro, at mga scholarship programs para sa mga high-school students na nagkakahalaga ng P21.2 billion.

So ito po ay talagang isang budget na talagang diretso sa tao ang kanyang benepisyo, at ito po ay sa aking tingin ay makakatulong sa buong sambayanan.  

Q:  Bakit po tila sa huling yugto na ng administrasyon “bumubuhos ang grasya” at malaking budget na ang bumubuhos doon sa mga sweldo ng mga guro?  

SPFMD:  Hindi po tama, at hindi po totoo iyan. Binibigyan ko ng diin- ito na ang Salary Standardization IV – pang-apat na beses na po ito. Regular na binabantayan ni Pangulong Noynoy ang pagtaas ng sahod ng ating mga kawani sa pamahalaan.

Inuulit ko po, ito na ang Salary Standardization Law IV –pang-apat na. Hindi lang po ngayon tinataasan ang sahod ng ating mga kawani sa pamahalaan, kundi may ilang taon na rin po ang nakaraan.
Q: So talagang tama lang po ang timing?

SPFMD: Kahit timing man po o hindi, talagang itataas po ang sahod ng ating mga manggagawa. 

Q: Yung sa budget po, yung underspending sa gobyerno, paano po ba ito dinepensahan ng ating mga economic managers?

SPFMD: Ang sabi po nila, talagang may problema. Ang gagawin po nila, they will adopt measures, magkakaroon po ng mga gagawing patakaran para mapabilis ang ating gastos, ang pag-gastos ng budget.

Ang dahilan, at ibig ko lang ipaabot sa ating mga kababayan, 20 porsyento ng ating ekonomiya ay nag-rerely sa government spending. Ibig sabihin, kung ang ating ekonomiya, ang kontribusyon ng pamahalaan ay 20 porsyento. Ito po yung mga sahod, yung infrastructure, mga health services.

Ngayon, kung hindi natin magagastos yung in-authorize under sa budget ay hindi makakapagbigay ng sapat na contribution ang public sector o pamahalaan, kaya hindi ganoong kalaki ang ating makikita sa pag-unlad ng ating ekonomiya. Actually sa first quarter of this year, 5.2 percent lang ang pag-lago ng ating ekonomiya.

Kaya dapat po, kung ano man ang authorized na budget, dapat gastusin. Of course, babantayan ng COA (Commission on Audit) iyan at dapat tamang pag-gastos lamang.  Ngunit ang importante, whatever is budgeted ay dapat gastusin para lumago ang ating ekonomiya.  

Q: Kahapon naisponsor na sa Senado ang panibagong bersiyon ng BBL (Bangsamoro Basic Law). Masusunod po ba ang pangkahalatang kagustuhan ng ating mga mamamayan?

SPFMD: Tama po iyan. Kahapon po ay aming nasimulan na ang sponsorship speech sa Senado at sa Lunes ay magsisimula na ang debate at asahan po ng ating mga kababayan – unang una ang aming layunin dito ay ang ating Saliganag Batas ay masusunod; pangalawa, ang kapayapaan po ng Mindanao ang ating hinahangad, para po magkaroon po ng dagdag na investment duon po sa Mindanao at magkaroon ng trabaho yung mga ating kababayan sa Mindanao.

Ito po ang aming mga pakay at amin pong  sisikapin na matapos lalo na sa madaling panahon itong Bangsamoro Basic Law. Uulitin ko lang, aming sisiguraduhin na ito ay sasang-ayon sa Saligang Batas.

Q: Malayo daw po ito sa bersiyon na gusto na mangyari ng MILF?

SPFMD: Sa akin pong tingin, syempre may mga binago kami, halimbawa, yung police siniguro natin na sasangayon sa ating structure ng ating PNP na kung saan ang National Police Commission ang siyang may control sa ating national police force, ayon sa Saligang Batas. Yung COA, yung COMELEC, atin pong inilagay sa tama at iyan po ang significant changes sa version ng Senado.

Q: Nagkaroon daw po ng briefing si Associate Justice Antonio Carpio diyan sa Senado doon sa issue ng West Philippine Sea. Ano po ang sustansya ng inyong napag-usapan?

SPFMD: Ang sinabi po ni Justice Carpio ay dapat pag-ingatan natin ito at talagang dapat ipag-laban natin. Ang ginagawa ng gobyerno ay tama na pumunta sa arbitration, dahilan sa hindi naman natin kayang labanan sa military ang Tsina, na malaki, hindi natin kaya.

Pinakita niya sa briefing niya yung mga itinatayong mga reclamation na ang suspetya ay base militar, mga reclamations na ginagawa sa South China Sea na nag-tataas ng tensiyon dito sa atin. Kaya kanyang hinihiling na ang ASEAN ay mag-buo at maging united, at iharap sa buong mundo itong problema na hinaharap ng ASEAN sa South China Sea. ###

  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento